Wednesday, August 29, 2012

Ang Syota Kong Puti

Naaalala niyo pa ba yung sinulat kong Walang Pamagat? Wala pang isang taon buhat nang sinulat ko iyon  pero napakarami nang nangyari sa akin. Nakapagdaos ako ng aking kaarawan sa bahay, ang theme ko non ay geek. Nakapunta rin ako sa lugar na isa sa aking pangarap dayuhin, ang bansang Israel. Nakapunta din ako sa unang pagkakataon sa Mindanao upang mag-abot ng tulong sa iilang mga barangay. At itong huli, natapos na rin ang bahay na pinapangarap ng aking mga magulang. Tunay ngang walang maikukumpara sa gawa ng Diyos. Lahat ng aking natamong biyaya ay dahil lamang sa Kanyang kabaitan at pagkakaluob.

Pero siyempre alam kong mas interesado kayo sa aking buhay pag-ibig. :-) Napakamakulay nito ngayon (naks) dahil sa syota kong puti. Hindi ko nga akalaing magugustuhan ko ang katulad niya. Ang tipo ko kasi dati ay Pilipinong lalaki na kulay kayumanggi. Pero siguro nagustuhan ko siya hindi dahil sa lahi o hitsura niya. Isa siyang mabuting tao at napakapasensiyoso.

Nung una ko palang siyang nakilala, hindi ko siya gusto. Hindi kasi siya gwapo sa paningin ko hehe. Pero walang biro, hindi ko siya gusto nuon dahil para bang may naplano na ako sa aking isipan na klase ng lalaki na aking magiging boypren. Pero dahil sa kanyang panununuyo (at siyempre panalangin) nagustuhan ko na rin siya. Ganon yata talaga kaming mga babae. Dapat hinihintay, dapat sinusuyo at matira ang matibay!


Hindi ko naman sa nilalahat, pero alam naman natin na ang mga tao sa ibang bansa lalo na ang nasa may bandang kanluran ay hindi masyadong mahilig maligo. Hahaha. Kaya naman nuong nagde-date pa lang kami, inaamoy ko talaga siya nang bongga (palihim nga lang), dahil kung hindi siya mabango, hay naku, ayawan na.

Ang syota kong puti ay nagtatrabaho sa kumpanyang gumagawa ng computer games. Kaya siguro halos lahat ng pag-uusap namin ay mayroong sound effects na kasama. Mas naipaliliwanag niya ang kanyang sarili kapag sinasabayan ng tunog ng inilalarawan niyang bagay. O-ha!

Ang syota kong puti ay mapagmahal, hindi lang sa akin pati na sa kanyang mga magulang at mga kaibigan. Siguro isa na rin sa nagustuhan ko sa kanya ay ang pagkakatulad ng kanyang ugali sa ugaling Pinoy. Siya ay magalang, konserbatibo, simple at masayang kasama. Isa rin siyang dakilang maginoo. Hanggang ngayon ay hinihila pa niya ang upuan para sa akin at iniuusod palapit sa mesa bago ako umupo. Kilig!

Ang syota kong puti ay takot sa akin. Haha biro lang! Ang totoo, ang syota kong puti ay may malaking puso na parang isang bata. Siya ay mapagkumbaba at madasalin. Natutuwa ako kapag kinukuwento niya sa akin kung paano pinagaling ng Diyos ang kanyang sakit sa ulo o dininig ang kanyang mga mumunting panalangin.

Ano pang masasabi ko? Ang syota kong puti ay da best! Salamat, Lord!




1 comment:

ana said...

Pinagpala ang syota mong puti dahil may syota syang tsinitang maganda!