Monday, August 19, 2013

Bakit Mahirap Ang Mga Filipino


Nakapanghihinayang na karamihan ng mga libreng sulating nagbibigay kaalaman na matatagpuan sa internet ay nasa wikang Ingles. Ang mga ito ay hindi lang mahirap matagpuan ng mga simpleng Pinoy, dahil hindi naman lahat ay mayroong kompyuter at internet, hindi pa sila madaling maunawaan dahil ito ay nasa wikang banyaga. Isinalin ko sa wikang Filipino ang napaka-makahulugang artikulong isinulat ni F. Sionil Jose, Why Filipinos Are So Poor para sa aking ina na mas matatas sa wikang Filipino kaysa wikang Ingles. 

photo from cnn.com
Ano ang kalagayan ng Timog Korea pagkatapos ng digmaan laban sa Hilagang Korea nuong 1953? Gulagulanit, lugmok sa kahirapan - ngunit ano na sila ngayon? Nuong dekada 50, ang trapiko sa Taipei ay binubuo ng mga bisikleta at sasakyan ng mga sundalo, ang kanilang kalsada ay napopostehan ng mga mabababang gusaling gawa sa baldosa. Ang Jakarta (Indonesia) naman ay isang higanteng nayon at ang Kuala Lumpur sa Malaysia ay isang maliit na nayon na napalilibutan ng gubat at mga plantasyon ng goma. Ang Bangkok sa Thailand ay puro kanal, ang pinakamataas nitong gusali ay ang Wat Arun, Tiyemplo ng Araw, at ito lamang ang nangingibabaw sa panorama ng kanyang lungsod. Puro tanimang-palay hanggang sa Paliparang Don Muang - mula sa pulong ng mga bodegang may binarnis na yerong bubong, hanggang sa kanyang Monumento ng Tagumpay. 

Dalawin niyo ang mga ciudad na ito ngayon at kayo ay mapapahagulgol - dahil sila ay di hamak na mas maganda, mas malinis at mas matagumpay ngayon kaysa sa Maynila. Nuong dekada 50 at 60, tayo ang pinaka-kinaiinggitang bansa sa buong Timog-Silangang Asya. Pakatandaan na nuong 1949 kung kailan ang Indonesia ay naging malaya, ito ay mayroon lamang 114 na nakatapos ng kolehiyo kung ikukumpara sa daan-daang Filipino na may Ph.D.'s. 

Bakit nga ba tayo napag-iwanan? Sa larangan ng pang-ekonomiya simple lang ang sagot. Hindi tayo nakagagawa ng mura at dekalidad na produkto.

Ang pangunahing tanong talaga ay kung bakit hindi natin agarang ginawang makabago ang ating bansa kaya naman lugmok pa rin tayo sa kahirapan. Ito ang malupit na katotohanan tungkol sa ating bansa. Ating isaalang-alang ang mga ito: May 15 taon na ang nakararaan nang magkaroon ng pagsisiyasat tungkol sa ating mga estudyante. Ipinakita nito na kalahating porsyento ng mga mag-aaral na nasa elementarya ay humihinto sa pag-aaral pagkatapos ng ika- 5 baitang dahil sa kawalan ng pera. Dahil dito, libu-libong kabataan ngayon ang walang mahanap na trabaho. Ang ating likas na yaman ay ating winawasak at ito ay hindi na mapapalitan. Ang hindi mapigil na paglago ng ating papulasyon ay kumakain sa ano mang kitain ng ating ekonomiya. Gutom ang larawan ng ating bansa ngayon; ang ating pinakamahirap na kababayan ay kumakain isang beses sa isang araw lamang. Ngunit ang kahirapang pisikal na ito ay hindi ganon katindi kung ikukumpara sa isang nakahihigit na kahirapan na ating tinatamasa at iyon ay ang kahirapan ng ating espirito.

Bakit sa aspetong iyon tayo ay mahirap? Higit na 10 taon na ang nakararaan, ang dayuhang namamatnugot ng Atlantic Monthly na si James Fallows ay pumunta sa Pilipinas at sumulat siya tungkol sa ating nasirang kultura na kanyang giit ang siyang rason ng ating hindi pag-unlad. Marami ang hindi sumang-ayon sa kanya ngunit para sa akin may katotohan ang kanyang obserbasyon. Hindi ko sinasabing dapat isisi ito sa koloniyalismo. Ngunit marami tayong namanang hindi maganda mula sa bansang Espanya, kasama na rito ang maling pamamalakad at ang pagsasamantala ng mga elitistang makapangyarihan sa masang Filipino. At dati, sa bandang Timog-Kanlurang Europa, kung nasan ang Tanglaw ng Iberia, ang mga trabahong ginagamitan ng mga kamay ay minamata at hindi pinapahalagahan. Maaaring wala nang dahuyan ang nananakop sa ating bansa, ngunit tayong mga Filipino ay napapailalim pa rin sa koloniyalismo ng mga elitista ngayon.

Tayo ay mahirap dahil tayo ay mahirap - ito ay hindi isang pagpapaliguy-ligoy. Ang kultura ng kahirapan ay may kakayahang manatali at magpatuloy. Tayo ay mahirap dahil tayo ay tamad. Napapadaan ako sa lugar ng mga iskwater tuwing umaga - karamihan ng mga nakatatanda ruon ay walang ginagawa kundi magchismisan at uminom ng alak. Hindi tayo nag-iipon. Tingnan natin ang mga Hapon kung paano sila mag-impok sa kabila ng mataas na interes ng kanilang mga bangko. At napakasipag nila.

Tayong mga Filipino ay hambog. Tingnan natin ang ating mga ginang at dalaga, napaka-maburloloy manamit at si Imelda ang isang magandang ehemplo ng kaluhuan. Tingnan natin ang ating mga ginoo - naka-kyutiks ang mga kuko, ang kanilang madilaw na alahas at malalaking diyamante. Yabang - ito tayo, at ang mga salaping nagastos upang mapalago ang reputasyon, dahil sa yabang. Mahusay sana kung inilaan na lang iyon sa hanap-buhay.

Tayo ay mahirap dahil ang ating nasiyonalismo ay makitid at panluob lamang. Nagkukubli rito ang ating kagustuhang protektahan ang mga inutil na industriya at mga kumpanyang hawak ang karamihan ng negosyo sa bansa. Hindi natin isinulong ang agrarian reform tulad ng Japan at Taiwan. Ang ating gobyerno ay hindi ginawa ang lahat nang makakaya para mabigyan ng mga lupa ang ating mga magsasaka. Ang magiging dulot na pagbabago sa sistema ng ating agrikultura ay nagbibigay ng kakayanan sa ating mga may-ari ng lupa upang maging negosyante at magsulong ng pagbabago at hindi lamang upang maghintay ng ani.

Ang ating mga iniidolong nasiyonalista ay sina Claro M. Recto at Lorenzo TaƄada na pilit tumanggi sa agrarian reform, ang isa sa pinaka-importanteng kadahilanan na maaring magpaunlad sa ating probinsya. Silang dalawa ay di hamak na ayaw lamang at di kampi sa mga Kano.

At panghuli, tayo ay dukha dahil pinakawalan natin ang ating pundasyon ng moralidad. Hinahayaan natin mamuno ang mga tiwali sa gobyerno at ang kanilang mga kumpadre at matatalik na kaibigan. Pikit-mata tayo sa mga magnanakaw at masasamang tao sa ating paligid. Hinahayaan natin silang manatili sa posisyon dahil ang ating katapatan ay nasa kamag-anak o kaibigan at hindi sa ikauunlad nang nakararami.

Maaari nating matugunan ang kahirapan sa dalawang natatanging paraan. Ang unang paraan: isang rebolusyon, ang pagpapatuloy ng sinimulan nuong 1896. Ngunit bago muna tayo gumamit ng dahas upang mapalitan ang hindi pantay na kalagayan ng ating lipunan, dapat muna nating baguhin ang ating pag-iisip, ang ating kultura. Ang aking panghihinayang sa nangyari sa EDSA ay ang pagbabago ay nakamit sana nang hindi dumadanak ng dugo. Sa katunayan, ang isang rebolusyon ay hindi kinakailangang marahas kung ang isang diktador ay hindi tulad ni Marcos.

Ang pangalawang paraan ay sa pamamagitan ng edukasyon, marahil ng isang mahaba at mabusising paraan. Ang tanging problema lamang ay maaari itong tumagal nang napakahabang panahon na sakaling ang ating kondisyon ay unti-unting magbago, tayo ay maaaring nakabalik na sa dating kinagawian, natatali sa unang problema ng malaking populasyon na pinalalala ng Simbahang Katoliko dahil sa kanyang mariing pagsunod at maling pagkakaintindi sa mga turo ng relihyon.

Tayo ay nahaharap sa isang lumalagong pagkagusto sa karahasan, ngunit kahit na manalo ang mga komunista, sila ay hindi magtatagumpay sa pagpapalakad ng bansa dahil sila mismo ang magiging biktima ng bulok na sistema at kultura, ang barkada sa gobyerno, ang napakalaking ulo na isinuko ang rebolusyon nuong 1896, ang pag-aalsa ng Hukbalahap nuong 1949-53.

Inuulit ko, hindi magiging matagumpay ang edukasyon maging ang isang rebolusyon kung hindi tayo magkakaroon ng bagong pag-uugali at bagong pag-iisip. Balikan natin ang ating pangunahing kaalaman at alalahanin ang mga sawikain ng mga Amerikano: Isang Ford (sasakyan) para sa bawat garahe. Isang manok para sa bawat palayok. Ang salapi ay parang pampataba ng lupa: upang magdulot ito ng kabutihan ay kailangang ipamahagi. May mga Filipino, nasusuklam kung nasan man sila, ay ikinahihiyang amining sila ay Filipino. Ako man ay nahihiyang magpaliwanag, halimbawa kung bakit si Imelda at kanyang mga anak at kaibigan ay nagbalik, at nasa posisyon pa ng kapangyarihan sa ating gobyerno!

Mayroon bang mga katangiang pwedeng ipagmalaki ang ating bansa? Ay syempre naman, at napakarami nila! Halimbawa, nuong may mga nagsasabi na ang katiwalian sa ating pamahalaan ay hindi na mawawala, pakatandaan na si Arsenio Lacson bilang alkalde ng Maynila at si Ramon Magsaysay bilang Presidente ay nagdala ng malinis na gobyernong may integridad. Wala man tayong klasikong sining dala ng Hinduismo at Budismo sa Timog-Silangang Asya, ngunit ang ating mga gawad ng sining ay hinahangaan sa buong mundo, ipinapakita kung ano ang kaya nating gawin sa mga sining ng banyaga na pinayaman lalo na ng ating sariling kultura at tradisyon. Ang ating mga edukadong propesyonal, hindi lamang ang ating mga katulong, ay nasa iba't-ibang bansa, ipinapakita kung gaano tayo kagaling!

Tingnan natin ang ating kasaysayan. Tayo ang unang bansa sa Asya na nag-aklas laban sa koloniyalismo ng mga banyagang mananakop. Isaalaala ang Labanan sa Pasong Tirad at ang pagkadakila ni Gregorio del Pilar at ang 48 na mga Filipinong namatay ngunit nagawang pigilan ang mga sundalong Kano para mabihag ang Presidente ng ating kauna-unahang republiko. Katumbas nito sa sinaunang kasaysayan ay ang Labanan ng Thermopylae kung saan ang mga Griyegong Spartano at ang kanilang Haring Leonidas ay nagbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang kanilang lupa laban sa mga Persiyano. Rizal - sinong ibang nasyon ang nagluwal ng isang kagaya niya? Nuong siya ay 35 anyos, siya isa nang manunulat, makata, antropologo, iskulptor, manggagamot, guro, at martir. Ang ating bilang ay nasa 80 milyon na at sa susunod na dalawang dekada, ito ay hihigit na sa 100 milyon.

80 milyon - ito ay isang napakalaking merkado ng anumang wika, isang merkado na dapat ay siyang kukonsumo ng ating mga kalakal at serbisyo - masang merkado na magbibigay ng pagkakakitaan sa ating mga maliliit na negosyante, tulad ng kilalang-kilalang langis para sa bawat lampara ng mga Tsino.

Ang mga Hapon ay nasa 70 milyon lamang nang sila ay maglakas-luob na hamunin ang Estados Unidos at sila ay muntik pang magwagi. Ang lakas ng loob na ito ang nagbigay kakayanan sa kanila upang umunlad at tumayo mula sa pagkakatalo nuong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Hindi ko nais na tayo ay humanap ng isang dayuhang makapangyarihan upang hamunin. Ngunit mayroon tayong isang lihim at tunay na mapanirang kaaway na kailangang masugpo, at ito ay masahol pa sa di-papatalong dayuhan. Tayo mismo ang ating sariling kalaban. Kinakailangan nating magkaroon ng pambihirang tapang at lakas ng loob, determinasyon upang baguhin ang ating mga sarili.



Ang bersiyon sa wikang Ingles ay matatagpuan sa pahina na ito - http://liberaleconomy.wordpress.com/2006/11/23/fsionil-joses-why-are-filipinos-so-poor/

1 comment:

TakashimaEri said...
This comment has been removed by a blog administrator.